Humahangos

sa ilalim ng talulot

ng napikit niyang mga mata

umiikot ang kanyang paningin

tila naghahanap sa dilim

ng daan palabas

ng bangungot

na sumukob sa mundong

itinago ng tulog

nais tumakas sa

halakhak ng humahabol

na halimaw.

di man mahimbing

di rin magising

ang aking mahal.

di maimulat ang mga mata.

maya maya pa’y bumuka ang bibig

bahagya

at muling itinikom

wari’y sikretong muntik nang maka-alpas.

nais kitang sundan

mahal ko

hanapin ka sa karimlan

dala ko ay

kandilang di naagnas at

apoy ng dakilang tapang.

handa na akong lumusong

sa kumunoy ng iyong katinuan

kundangan lang sa iyong

pagbalik.

humahangos

buti-butil ang pawis

at walang pagkilalang nabanaag

nang ako’y iyong tignan.

sa susunod mahal

mauuna na ako

sa lugar na iyong kinatatakutan

at doon maghihintay

nang ni isang saglit

di mawalay ang ating malay.

kay lungkot mag-isa.

Leave a Reply